IBCTV13
www.ibctv13.com

Lifestyle check sa gov’t officials sa gitna ng anomalya sa flood control projects, ipinag-utos ni PBBM

Divine Paguntalan
96
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. inspected a flood control project in Calumpit, Bulacan on August 15, 2025. (Photo from PCO)

Iniatas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsasagawa ng lifestyle check sa lahat ng opisyal ng pamahalaan bilang bahagi ng lumalawak na imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects.

Unang sisimulan ang pagsusuri sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na pangunahing ahensya na humahawak ng mga proyektong nasasangkot sa isyu.

“Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkakaroon ng lifestyle check sa lahat ng mga opisyal sa gitna ng imbestigasyon sa ma-anomalyang flood control projects,” saad ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro sa isang media briefing.

“Kasabay nito, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang tuloy-tuloy na pag-check sa mga records ng DPWH kaugnay sa mga maanomalyang proyekto,” dagdag niya.

Matatandaang personal na ininspeksyon kamakailan ng Pangulo ang 11 flood control projects sa mga lugar ng Marikina, Iloilo, Bulacan at Benguet matapos makatanggap ng reklamo mula sa publiko sa pamamagitan ng Sumbong sa Pangulo website.

Patuloy namang nananawagan ang Palasyo sa publiko na manatiling maging mapagmatyag at iulat ang anumang anomalya sa kanilang mga lugar kaugnay sa naturang proyekto. – VC