
Panibagong mga kuwestyunableng pangalan na nakatanggap umano ng confidential fund na may kabuuang halaga na aabot sa P612.5 milyon mula sa Office of the Vice President (OVP) ang lumutang sa mga ebidensyang nakalap kaugnay sa impeachment trial ni VP Sara Duterte.
Kabilang sa mga pangalang ito ay sina “Jay Kamote” at “Miggy Mango” at limang indibidwal na may pangalang “Dodong”: Dodong Alcala, Dodong Bina, Dodong Bunal, Dodong Darong, at Dodong S. Barok.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V, ang mga ‘kaduda-dudang’ pangalan na ito ay nagpapalakas lamang sa alegasyon na hindi nagamit ng tama ni VP Duterte ang kanyang confidential fund.
“Una, may chichirya at cellphone. Ngayon, may prutas at kamote na. At higit sa lahat, mukhang ‘Dodong Gang’ na ito! Hindi lang isa, hindi lang tatlo—limang Dodong ang nasa listahan,” ani Ortega.
“Hindi lang ito kapabayaan—ito ay isang maingat na planong paglustay sa pondo ng bayan. Peke ang mga pangalan, peke ang liquidation, at peke ang pananagutan,” dagdag pa ng mambabatas.
Wala rin sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mga pangalang ito pagdating sa birth, marriage, o death records, katulad ng naunang iniulat na mga beneficiary gaya nina “MaryGrace Piatos”, “Pia Piatos-Lim”, “Renan Piatos” pati na ni “Xiaome Ocho”.
Isinumite na rin umano sa House Committee on Good Government and Public Accountability ang mga dokumentong nagpapatunay ng mga kahina-hinalang pangalan sa listahan ng tumanggap ng pondo.
Samantala, itinanggi naman ni Vice President Sara Duterte ang mga paratang ng maling paggamit ng pondo, at sinabing bahagi ito ng political persecution laban sa kanya.