Iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na mababa ang tyansa na mabuo bilang isang bagyo ang binababantayan nitong low pressure area sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR).
Huling namataan ang LPA sa layong 165 km mula sa West Northwest ng Coron, Palawan at kumikilos patungong West Philippine Sea.
Gayunman, magdadala pa rin ang LPA ng maulap na kalangitan na may kasamang pabugsu-bugsong ulan sa Bicol Region, MIMAROPA, Quezon, Rizal, Laguna, at Batangas na palalakasin pa ng Inter Tropical Convergence Zone (ITCZ).
Makararanas din ng pabugsu-bugsong ulan ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Central Luzon dahil sa easterlies.
Bahagyang maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan naman ang dala ng ITCZ sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Samantala, isa pang tropical depression sa labas ng PAR ang patuloy na binabantayan ng PAGASA na huling namataan sa layong 2,540 km mula sa Extreme Northern Luzon ngunit hindi inaasahang papasok sa PAR. -VC