As of 3:00 a.m. ngayong Linggo, Oktubre 20, huling namataan ang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa layong 1,395 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), posible itong pumasok sa PAR mamayang hapon o gabi.
Mataas din ang tsansa nitong maging isang ganap na bagyo sa susunod na 24 oras at tatawaging bagyong Kristine.
Sa latest analysis ng PAGASA, posible itong lumapit sa silangan ng Northern at Central Luzon kung saan hindi rin inaalis ang posibilidad na mag-landfall sa nasabing lugar.
Bagaman nasa labas ng PAR at hindi pa ganap na bagyo, nakakaapekto na ang trough o extension ng LPA na siyang nagdadala ng mga pag-ulan.
Patuloy na pinag-iingat ang mga apektadong residente sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala, asahan naman ang maulap na kalangitan at biglaang buhos ng ulan sa Metro Manila bunsod ng localized thunderstorms.
Paalala ng weather bureau sa publiko, maging alerto at handa sa anumang pagbabago sa lagay ng panahon.