Isa nang ganap na Tropical Depression ang low pressure area (LPA) na binabantayan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bandang 2:00 p.m. ngayong Linggo, Nobyembre 3, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
As of 3:00 p.m., huli itong namataan sa layong 1,350 kilometro silangan ng Eastern Visayas taglay ang lakas ng hangin malapit sa gitna na nasa 55 km/h at pagbugsong umaabot sa 70 km/h.
Dalawang scenario ang tinitingnan ng PAGASA sa pagkilos ng naturang Tropical Depression.
Una ay pwede itong lumapit at tumawid sa Northern Luzon habang ang isa ay posible itong lumapit sa landmass area bago tuluyang mag-recurve.
Sakaling pumasok sa loob ng PAR, papangalanan ito bilang bagyong Marce.
Ngayong malayo pa ang bagyo, hindi inaalis ng PAGASA ang posibilidad na magbago pa ang kilos nito.
Patuloy pinag-iingat ang publiko sa posibleng pagbabago sa lagay ng panahon.