
Nananatiling mataas ang tsansa na mabuo bilang isang bagyo ang low pressure area (LPA 06h) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Miyerkules, Hulyo 2, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
As of 3:00 a.m., huling namataan ang sama ng panahon sa layong 235 km silangan ng Echague, Isabela na magdudulot ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Northern at Central Luzon.
Dahil malapit sa landmass ang nasabing LPA, agad magtataas ng tropical cyclone wind signal ang PAGASA sa silangang bahagi ng Northern at Central Luzon sa oras na maging ganap itong bagyo.
Papangalanan naman bilang Bising ang naturang LPA sa oras na itaas na ito sa kategoryang tropical depression.
Samantala, patuloy namang makakaapekto ang Southwest Monsoon o Habagat sa natitirang bahagi ng Luzon, gayundin sa Visayas at Mindanao na magdudulot ng mga pag-ulan.
Sa labas naman ng PAR, binabantayan din ng weather bureau ang isang Tropical Depression na huling namataan sa layong 2,660 km East Northeast ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 55 km/h at pagbugsong hanggang 70 km/h.
Wala namang nakikitang direktang epekto ang nasabing bagyo sa anumang bahagi ng bansa.
Hinihikayat ang publiko na umantabay sa lagay ng panahon upang maging ligtas sa banta ng panganib at sakuna –AL