IBCTV13
www.ibctv13.com

Mababang presyo ng bigas, gulay, nakatulong sa pagbagal ng inflation sa Hulyo 2025 — DEPDev

Divine Paguntalan
161
Views

[post_view_count]

(IBC file photo)

Dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng bigas at gulay, bumagal ang antas ng inflation sa bansa nitong Hulyo 2025 na naitala sa 0.9%, pinakamababa mula pa noong Oktubre 2019.

Tinukoy na pangunahing dahilan sa pagbagal ng inflation ang murang bigas, gulay at root crops, mais, at ilan pang non-alcoholic beverage.

Ayon sa Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) at Philippine Statistics Authority (PSA), ang bottom 30% income group o low-income households ay nakaranas pa ng deflation na -0.8%—ibig sabihin, mas mababa na ang kanilang gastos kumpara noong nakaraang taon.

Binigyang-diin ni DEPDev Secretary Arsenio Balisacan na epektibo ang mga hakbangin ng pamahalaan upang maramdaman ng karaniwang Pilipino ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa.

“The sustained drop in rice prices and the easing of inflation for low-income households are clear signs that our interventions are working,” saad ng kalihim.

“This not only helps Filipinos preserve the value of their peso but also builds confidence for businesses and consumers to plan ahead,” dagdag niya.

Habang nananatiling positibo ang forecast para sa 2025, tiniyak ng kalihim ang patuloy na pagmamatyag ng pamahalaan sa external risks tulad ng geopolitical tensions at pagbabago sa global policies.

Samantala, bilang bahagi ng recovery efforts mula sa epekto ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong, gayundin ng Habagat, naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng P495.4 milyon para sa pamamahagi ng rice, corn, at vegetable seeds sa mga magsasaka sa buong bansa.

Patuloy rin na makabibili ng P20 kada kilo ng bigas ang mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga Kadiwa ng Pangulo. – VC