Kasabay ng pamamahagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF) sa mga pamilyang apektado ng nagdaang bagyong Kristine sa Batangas, ipinangako niyang agad na aayusin ang mga nasirang imprastraktura sa probinsya.
Ayon sa Pangulo, pinag-aaralan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang muling pagsasaayos sa Bayuyungan Bridge at mga kalsada sa Agoncillo sa Batangas na nasira dahil sa naturang bagyo.
Binigyang-diin niya na prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagpapagawa sa mga nasirang imprastraktura sa lalong madaling panahon.
“Pagsisikapan natin ang pagbangon ng Batangas.Ating titiyakin na tatapusin natin ang mga proyektong imprastraktura sa lalawigan katulad ng Taal Lake Circumferential Road na magkokonekta sa bayan ng Laurel, Talisay, at Agoncillo; pati na [ang] Lobo Malabrigo – San Juan Laiya Road project,” paliwanag ng Pangulo.
Ilan sa mga nasirang imprastraktura sa Batangas ay ang Bugaan Bridge o ang Bayuyungan Bridge sa Laurel; ang slope protection sa Bugaan Bridge; at ang gumuhong daanan sa Agoncillo.
Ang mga imprastrakturang ito ang tanging daanan na nagkokonekta sa mga munisipalidad ng Agoncillo, Lemery, at iba pang karatig bayan nito.
P150 million ang pondo na hinihiling ng DPWH mula sa programmed funds nito upang magamit para sa nasirang Bugaan Bridge; P150 million din para sa nasirang slope protection; at P50 million naman para sa pagsasaayos sa kalsada.
Sa kabilang banda ay ipinag-utos na ng Pangulo ang pag-monitor ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga materyales na gagamitin para sa muling pagbuo sa mga nasirang imprastraktura upang matiyak ang kalidad nito. – VC