Niyanig ng magnitude 6.1 na lindol ang silangang bahagi ng Bagamanoc, Catanduanes bandang 5:19 a.m. ngayong Miyerkules, Oktubre 2, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Itinaas mula sa magnitude 6.0 patungong 6.1 ang naitalang pagyanig na may lalim na 38 kilometro mula sa lupa.
Ayon naman kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Dr. Teresito Bacolcol, nabago ang kanilang kalkulasyon matapos makakuha ng dagdag na mga impormasyon mula sa iba pang lugar at istasyon.
Naramdaman naman ang Reported Intensity I ng lindol sa Irosin, Sorsogon habang naranasan din ang Instrumental Intensity IV sa Virac, Catanduanes at Tabaco City sa Albay.
Walang namang inaasahang pinsala ang naturang lindol ngunit patuloy pinag-iingat ang mga apektadong residente sa posibleng aftershocks.
Hindi rin inaasahan ang banta ng tsunami mula sa naganap na pagyanig.