
Tumama ang magnitude 8.8 na lindol sa silangang bahagi ng Russia ngayong Miyerkules, Hulyo 30, na nagdulot ng malaking tsunami warning sa mga baybayin ng Japan, Alaska, Hawaii at iba pang bahagi ng Pacific region.
Ayon sa United States Geological Survey (USGS), ito na ang pinakamalakas na lindol sa buong mundo ngayong 2025, at ikalawa sa kasaysayan ng Russia.
Itinuturing din itong pinakamalakas sa buong mundo mula noong 2011 Tōhoku earthquake at tsunami sa Japan, habang pangatlo sa 21st century.
Naitala ang epicenter ng lindol sa coast ng Kamchatka Peninsula sa lalim na 19.3 kilometro.
Ayon sa mga lokal na awtoridad, naitala rin ang tsunami waves na aabot sa tatlo hanggang apat na metro sa Yelizovo District ng Kamchatka.
Narito ang mga bansa na nagtaas ng Tsunami Warning:
- Russia (Kamchatka Peninsula at Sakhalin Island): May mga napaulat nang evacuation at power outages.
- Japan: Inaasahang aabot sa tatlong metrong alon sa northern Pacific coast.
- Hawaii: Inaasahan ang pagdating ng tsunami waves simula 7:17 p.m. local time ayon sa Pacific Tsunami Warning Center.
- Alaska (Aleutian Islands): May tsunami watch para sa US West Coast (California, Oregon, Washington).
- Chile, Ecuador, Solomon Islands: Nasa ilalim ng tsunami alert dahil sa posibleng isa hanggang tatlong metrong alon.
Bago ang 8.8 na lindol, matatandaang may limang malalakas na lindol na umabot sa magnitude 7.4 ang yumanig na sa rehiyon ng Kamchatka ngayong Hulyo. – VC