
Mariing ipinunto ni Ben BITAG Tulfo na dapat binabantayan ng mga lokal na pamahalaan ang mga magsasaka.
Sinabi ito ng senatorial candidate sa kaniyang exclusive interview sa CLTV36 kasabay ng kaniyang pagbisita sa Region 3 o ang Rice Granary of the Philippines.
Ayon kay Ben BITAG Tulfo, mayroong dalawang dahilan kung bakit nalulugi ang mga magsasaka. Una, napabayaan ng lokal na pamahalaan. Pangalawa, pinagsamantalahan ng mga dorobong trader na dumadayo at pumapasok sa mga munisipyo.
“Ang mga magsasaka, dikit sa puso ko ‘yan. Lahat ng mga magsasaka na nagtatanim, dapat bantayan ng mga lokal na pamahalaan. Pangunahin ang municipal agriculture office, ang mga barangay. Meron dyan mga traders na papasok mula sa ibang rehiyon, aakitin sila… papasok sila sa barangay na hindi naka-rehistro sa munisipyo. Kukunin nila yung ani saka lalabas. Bibilhin ng magandang presyo pero may modus operandi itong mga traders,” paliwanag ng senatorial candidate.
“Papakitaan lang ng kalahating milyong ng bulig bulig na pera (ang mga magsasaka). Ngayon, makikita ng mga magsasaka, iisipin nila makakabayad na sila ng utang, saka sila iisyuhan ng tseke. Pagkakuha ng produkto, lalabas na. Time will come, na hindi na magpapakita (ang mga dorobong dayong trader), talbog na ang tseke,” dagdag pa nito.
Paglalahad pa ng senatorial frontrunner, marami ng kaso ng panloloko at pananamantala sa mga pobreng magsasaka ang naimbestigahan nila sa BITAG.
“Nangyari ito sa amin, lumapit sa amin ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang rehiyon. Iisa ang modus operandi. Yun ang matinding gusto kong baguhin. Hambalusin ang mga putok sa buhong yan, pinagsasamantalahan ang mga magsasaka,” saad pa ng tumatakbong senador.
Kaugnay nito, binigyang-diin din ng beteranong mamamahayag na malaking tulong sa mga magsasaka ang pagkakaroon ng storage facilities sa bawat rehiyon.
“Napakahalaga ng cold storage facility. May certain temperature yan pag in-store mo ang mga gulay at prutas tulad ng sibuyas para makaabot sa palengke. Kasi kung hindi, mabubulok yan, malulugi ang mga magsasaka,” paliwanag ni Ben BITAG.
Nauna nang sinabi ng Department of Agriculture na naglaan ang ahensya ng P3-bilyong pondo para sa 99 cold chain infrastructure sa buong bansa. Layunin umano nito na mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka at matiyak ang food security. (Office of Ben Tulfo)