Nakatakdang tumanggap ang nasa 2,487 agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa lalawigan ng Pampanga ng aabot sa 2,939 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROMs) ngayong Huwebes, Nobyembre 21.
Saklaw ng ipapamahaging COCROM ang nasa 3,903.48 ektarya ng lupang pang-agrikultura.
Ayon kay Department of Agrarian Reform (DAR) OIC-Regional Director Odgie Cayabyab, aabot sa P206-milyon ang halaga ng utang ang buburahin para sa mga magsasaka sa nasabing lalawigan.
Una nang namahagi ang ahensya ng COCROMs sa 1,000 ARBs sa Bulacan; 6,000 ARBs sa Nueva Ecija; at 3,500 ARBs sa Tarlac.
Matatandaang noong Hulyo 7, 2023 ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act 11953 o New Agrarian Emancipation Act na layong burahin ang mga pagkakautang ng mga magsasaka sa kanilang mga lupang sakahan.
Aabot sa P57.56-bilyong halaga ng amortization kabilang ang mga mga interes, multa, at dagdag na singil sa 610,054 ARBs ang inaasahang matutulungan ng nasabing batas. – AL