
Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes na mahigit sa 423,000 pabahay ang naitayo o napondohan ng pamahalaan mula Hulyo 2022 hanggang Enero 2026 sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program.
Ito ay patunay ng mas pinaigting na pagsisikap ng administrasyon na maghatid ng ligtas, disente, at abot-kayang tahanan sa mga Pilipino.
“Mula Hulyo ng 2022 hanggang Enero ng 2026, tayo ay nakagawa at nakapag-finance ng higit apat na raan at dalawampu’t tatlong libong housing unit,” ayon sa Pangulo na pinangunahan ang seremonyal na pamimigay ng mga bagong pabahay at tulong sa ilalim ng Expanded 4PH Program na idinaos sa Megawide Precast Plant sa Taytay, Rizal.
“Malayo na ang ating narating, ngunit patuloy pa rin tayong nagsisikap upang maabot ang ating target na bahay sa mga susunod pa na taon,” dagdag pa ng Pangulo sa nasabing okasyon ng pagdiriwang ng ika-7 na anibersaryo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Binigyang-diin ng Pangulo na patuloy na magsisikap ang pamahalaan upang maabot ang target na pabahay sa mga susunod na taon.
Kanyang ipinaliwanag na pinabilis ang konstruksyon at pinagaan ang proseso ng pagkuha ng bahay sa pamamagitan ng mga reporma gaya ng pagpapababa ng interest rates sa housing loans, na nagbigay-daan upang mas maraming miyembro ng Pag-IBIG Fund ang makinabang.
Sa tulong ng mga subsidiya ng pamahalaan, mas maraming pamilya ang nagkaroon ng pagkakataong magkaroon ng sariling tahanan.
“At hindi kami titigil dito,” ayon kay Pangulong Marcos, na idinagdag na ng kanyang pagbisita sa Megawide precast plant ay isang hakbang para sa pagtatayo ng mga bahay gamit ang modernong teknolohiya.
“Dito ay ating natunghayan ang isang napakahalagang proseso kung paano mas mapabilis ang produksyon ng mga housing unit,” diin ng Pangulo.
“Gagawin namin ang lahat ng aming kakayahan upang hindi lamang itong plantang itong nakikita ninyo ngayon kung hindi madagdagan pa at maparami pa upang mapabilis ang konstruksyon at maparami ang aming maibibigay na tahanan,” sabi pa ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa produksyon ng housing units ay makatutulong upang mas mapabilis ang pagtatayo ng mga bahay.
Sa ika-pitong anibersaryo ng DHSUD, muling tiniyak ni Pangulong Marcos ang kanyang pangako na bigyang access ang mga Pilipino sa disente at abot-kayang pabahay, at nanawagan ng mas matibay na pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang palawakin ang saklaw ng Expanded 4PH Program.
“Kaya patuloy na magtutulungan ang pamahalaan at pribadong sektor upang pabilisin ang produksyon, ayusin ang proseso, at palawakin ang saklaw ng ating mga programa, lalo na ang Expanded 4PH Program,” pahayag ng Pangulo.
“Habang may Pilipinong nangangarap ng sariling tahanan, patuloy na kikilos ang pamahalaan upang suportahan ang pangarap na ito.” | PND











