
Nagpaalala ang Malacañang sa publiko na huwag basta-basta maniwala at magpakalat ng mga impormasyon online, na hindi mula sa mga credible source.
Kaugnay pa rin ito sa nangyaring pag-aresto ng International Criminal Police Organization (Interpol) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa kasalukuyang paglilitis sa kanya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na nakikipag-ugnayan na sila sa law enforcement agencies para aksyunan ang ‘fake news peddlers’.
“Talagang dumarami po ang fake news para po malihis ang katotohanan. Kitang-kita po ninyo, kahit po mismo si dating ES (executive secretary Salvador) Medialdea … nakita po natin kung papaano po ba niya nabanggit na nawawala ang dating Pangulong Duterte,” saad ni Atty. Castro.
Muli ring nilinaw ng Palasyo ang naging pahayag ni Sen. Bong Go na hindi umano nakatanggap ng sapat at kinakailangang atensyong medikal ang dating Pangulo habang nakadetene sa ICC facility.
“Dapat po ang tao ay magmasid, mag-isip, at matuto pong mag-evaluate para po hindi po nagugulo ang ating isipan at damdamin…Kung mayroon pong mga ganitong klaseng haka-haka, muli, katulad ng sinabi ni Senator Bong Go, dapat siguro ay kaniya munang alamin ang katotohanan,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Atty. Castro ang malaking papel ng media sa paglaban sa misinformation at disinformation.
Samantala, nauna nang pinasinungalingan ng Philippine National Police (PNP) ang sinasabing nakatakdang raid ni Davao City Mayor Sebastian Duterte sa kanilang tahanan sa nasabing lungsod. – AL