IBCTV13
www.ibctv13.com

Malacañang: Patuloy ang pamahalaan sa pagpapaganda ng pamumuhay ng mga Pilipino

Veronica Corral
185
Views

[post_view_count]

President Ferdinand Marcos Jr. joined the DSWD officials in serving nutritious food for the Walang Gutom Program beneficiaries during his visit to the Walang Gutom Kitchen in Pasay City on Thursday, September 18, 2025. (Photo from PCO)

Tiniyak ng Malacañang na patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na mapabuti ang pamumuhay ng mga Pilipino sa gitna ng inilabas na resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey na nagpapakitang 50% ng pamilyang Pilipino ang kinukonsidera ang kanilang sarili bilang mahirap.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, ang SWS survey ay isang “subjective indicator of well-being”, kaya mas pinagbabatayan ng gobyerno ang mga opisyal na datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Batay sa mga datos, nasa 96.1% ang pinakahuling employment rate, habang nasa 1.7% ang inflation rate na pasok sa loob ng target range ng pamahalaan.

Binigyang-diin din ng Malacañang ang mga programa ng gobyerno na direktang tumutulong sa mga mahihirap—kabilang ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, kung saan mahigit 860,000 na benepisyaryo ang nakapagtapos at nakaalis na sa programa.

Kasabay nito, ipinagmalaki rin ng Palasyo ang Walang Gutom Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagpababa ng antas ng kagutuman sa mga benepisyaryo patungong 7.2%, at ang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI- CIDSS) na nagbibigay ng kabuhayan at suporta sa mga komunidad.

Ayon kay Palace Press Briefer Castro, hindi magbabase ang Palasyo sa mga numero lamang, kundi patuloy na makikinig at magpapatupad ng mga polisiya upang tuluyang maiahon ang mga Pilipino mula sa kahirapan.

“Aaralin po ito kasi sabi nga natin ang SWS survey ay subjective indicator of well-being, so mas gugustuhin po nating makita ang pinaka-official data mula sa PSA but still, hindi naman magbibingi-bingihan ang gobyerno, at lahat ng ito ay papakinggan upang mas maganda ang serbisyo ng pamahalaan sa bayan,” ani Castro. (Ulat mula kay Eugene Fernandez)