IBCTV13
www.ibctv13.com

Malacañang, tiniyak ang napapanahong pagpasa ng 2026 pambansang badyet sa gitna ng pagbabago sa Gabinete

192
Views

[post_view_count]

Photo from PCO

Tiniyak ng Malacañang na maaabot ng pamahalaan ang target na petsa para sa pagpasa ng pambansang badyet para sa 2026 sa kabila ng mga pagbabago sa mga economic manager ng administrasyon.

Sa isang press briefing nitong Martes, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang pagtatalaga ng mga bagong pinuno sa Department of Finance (DOF) at Department of Budget and Management (DBM) ay hindi makakaantala sa proseso ng badyet.

Ipinahayag ng Palasyo kamakailan na papalitan ni Finance Secretary Ralph Recto si Executive Secretary Lucas P. Bersamin, habang si Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go ang hahalili kay Recto bilang kalihim ng DOF.

Samantala, si DBM Undersecretary Rolando U. Toledo naman ang itinalagang officer-in-charge kapalit ni Secretary Amenah Pangandaman.

“We were able to talk to Secretary Go and according to him, (on the) reassignments of the Cabinet members to DOF and DBM, they are all the same people who worked on the budget, who worked on the finances. So there will be no problem with that,” Ayon kay Castro

Dagdag pa niya, “Yes, there will be (the timely passage of the national budget). They are working on that.”

Noong Oktubre 13, inaprubahan na ng House of Representatives ang P6.793 trilyong panukalang badyet, habang isinasagawa na ng Senado ang huling bahagi ng plenary debates para rito.

Pagkatapos nito, pagsasamahin ng bicameral conference committee ang mga bersyon ng Senado at Kamara bago isumite sa Malacañang para sa pinal na pag-apruba.

Samantala, inanunsyo rin ng Palasyo na tinanggap ni Pangulong Marcos ang pagbibitiw nina Bersamin at Pangandaman upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga proyektong flood control.

Tinanggap din ng Pangulo ang pagbibitiw ni Undersecretary Adrian Bersamin ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO). | PND