Naabot ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malaking pag-unlad ng imprastraktura sa bansa ngayong 2024.
Sa ilalim ng Marcos Jr. admin, isinulong ang energy at connectivity sa pangunguna ng inilunsad na interconnection ng mga power grid sa Luzon, Visayas at Mindanao para sa mas maaasahang suplay ng kuryente para sa mga Pilipino
Ang mga proyektong ito ay nakatutulong upang mapababa ang presyo ng kuryente sa mga susunod na taon na magdadala ng mas maayos na serbisyo para sa mga Pilipino ayon kay Pangulong Marcos Jr.
Kabilang sa mga naisakatuparan ang P20.94-bilyong halaga ng proyekto na Mariveles-Hermosa-San Jose (MHSJ) 500-kiloVolt (kV) transmission line noong Hulyo na nag-uugnay sa Bataan, Pampanga at Bulacan.
Noong Abril, nakumpleto ang Cebu-Negros-Panay Backbone Project na nagkakahalaga ng P67.9-bilyon para tugunan ang madalas na kawalan ng kuryente sa Western at Central Visayas habang ang Cebu-Bohol Interconnection Project naman ay ganap nang gumagana noong Setyembre na nagbigay ng mas maayos na daloy ng kuryente sa dalawang isla.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay konektado na ang mga power grid sa Mindanao at Visayas na may high-voltage direct cable at habang 184 kilometro kung saan pinagdudugtong ang Dapitan, Zamboanga del Norte at Santander, Cebu.
Tiniyak ng punong ehekutibo na patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na maabot ang kaunlaran para sa lahat ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mas maayos na koneksyon ng kuryente sa buong bansa para sa mas epektibong productivity ng bawat manggagawa. – VC