Nagkaisa ang Pilipinas at Malaysia para sa mas maigting na kolaborasyon pagdating sa usaping “disaster response and management.”
Sa isang courtesy call kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes, nabanggit ni Malaysian Deputy Prime Minister Dr. Ahmad Zahid Bin Hamidi, Minister for Rural and Regional Development, na may special group o SMART Team ang Malaysia na maaaring ipadala sa Pilipinas sakaling may sakuna na malugod naman na tinanggap ng Pangulo.
Aniya, malaki ang maitutulong ng special group para sa mga pamilyang higit na naapektuhan ng bagyo at iba pang sakuna.
“Of course, that is a very generous offer of assistance. Yes, thank you. Actually, we can organize that as soon as everyone is ready for that,” masayang tugon ng Pangulo.
Nagkasundo rin ang dalawang lider na magtulungan sa sektor ng edukasyon para sa karagdagang technical at skilled workforce upang makasabay sa mabilis na pagbabago ng mundo at sa ikauunlad ng bansa.
“Filipinos are used to working with foreign entities because of our diaspora. But we have to train them. After COVID everything is new. The technologies are different,” saad ng Pangulo.
Dagdag niya, nag-adopt ng sistema ang Pilipinas para sa skills training partikular sa construction para sa pagsasanay ng mga plumber, electrician at carpenter. —VC