Binigyang-diin ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa ang kahalagahan ng malinis na tubig para sa mga bakwit na apektado ng nakaraang Severe Tropical Storm (STS) Kristine.
Sa gitna ng pagtaas ng kaso ng mga respiratory ailments tulad ng ubo at sipon sa mga evacucation center, pinatitiyak ni Herbosa ang access sa malinis na tubig.
“We have to ensure that the people in evacuation centers have access to potable or safe water for drinking,” saad ni Herbosa.
Sinimulan na ng DOH ang pamamahagi ng Aquatabs o mga water purification tablet sa mga bakwit upang tiyakin na ligtas inumin ang mga tubig doon.
Aabot sa 531,387 katao o katumbas ng 121,814 pamilya ang namamalagi ngayon sa mga evacuation center habang may 403,727 indibidwal o katumbas ng 84,137 na mga pamilya ang nanatili sa labas.
Tinatayang nasa 7.13 million na mga Pilipino o katumbas ng 1.789 million na mga pamilya ang apektado ng nagdaang bagyo. – VC