IBCTV13
www.ibctv13.com

Marcos Jr. admin, patuloy na umuusad sa kanilang ‘legislative goals’

Jerson Robles
210
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. (Photo from PCO)
Patuloy na umuusad ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang legislative agenda na naglalayong palawakin ang ekonomiya ng bansa habang pinoprotektahan ang kapakanan ng mga Pilipino.

Ngayong taon, nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr. ang ilang mahahalagang batas kabilang ang 11 priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Kabilang dito ang Republic Act No. 12009 o ang New Government Procurement Act, na naglalayong iangat ang pamamahala sa procurement sa antas ng internasyunal.

Ang Anti-Financial Accounts Scamming Act (RA 12010) naman ay ipinasa bilang bahagi ng pagsusulong ng digital transformation ng bansa upang protektahan ang mga financial consumers.

Sa larangan ng agrikultura, patuloy na sinusuportahan ng punong ehekutibo ang pag-unlad ng sektor na kaniyang pinasimulan sa tulong ng isinabatas na Anti-Agricultural Economic Sabotage Act (RA 12022) at Agricultural Tariffication Act (RA 12078), na inaasahang poprotekta sa mga magsasaka laban sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Pinaigting din ng Pangulo ngayong taon ang pagtatanggol sa mga karapatan ng bansa sa pamamagitan ng Philippine Maritime Zones Act (RA 12064) at Archipelagic Sea Lanes Act (RA 12065). Isinulong din ang Self-Reliant Defense Posture (SRDP) Revitalization Act (RA 12024) para sa lokal na industriya ng depensa.

Nilagdaan ni Pangulong Marcos ang CREATE MORE Act (RA 12066), isang makabagong batas na naglalayong mapabuti ang kalakaran para sa negosyo at gawing mas mapagkumpitensya ang mga insentibo sa buwis.

Binigyang-diin pa ni Pangulong Marcos Jr. ang pangangailangan na makabuo ng isang competitive workforce upang maging sentro ng pamumuhunan sa Asya.

Kaya naman nilagdaan ang Academic Recovery and Accessible Learning Program Act (RA 12028) at Enterprise-Based Education and Training Program Act (RA 12063), na naglalayong pataasin ang kakayahan ng mga kabataang Pilipino.

Ayon kay Pangulong Marcos Jr. dapat suportahan ng mga ipinatupad na batas ang kanyang layunin para sa Bagong Pilipinas, kahit may ilang batas na hindi orihinal na bahagi ng legislative agenda.

Tulad na lamang ng No Permit, No Exam Prohibition Act (RA 11984) at Kabalikat sa Pagtuturo Act (RA 11997), na nagbibigay suporta at benepisyo para sa mga guro.

Tinutukan din niya ang isyu ng mental health sa pamamagitan ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (RA 12080) habang nilagdaan niya para naman sa mga sakuna at emergency ang RA 12076 o ang Ligtas Pinoy Centers Act at Student Loan Payment Moratorium During Disasters Emergencies Act (RA 12077).

Sa kabuuan ng taon, nakapaghain at nakapag-apruba si Pangulong Marcos Jr. ng higit 100 batas para sa lokal at pambansang antas kung saan lahat ng ito ay nakaangkla sa pagsusumikap ng gobyerno tungo sa pambansang kaunlaran. – VC

Related Articles