Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mas pinalakas na mga programa ng pamahalaan kaugnay sa reskilling at upskilling ng mga manggagawang Pilipino.
Kabilang sa mga programa ng pamahalaan ay ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), kung saan binibigyang-prayoridad dito ang pagsasanay sa mga lumalago na industriya ng renewable energy, artificial intelligence (AI), at telehealth.
Malaki rin ang ambag ng mga pribadong sektor sa pamamagitan ng kanilang mga alok na trabaho tuwing may job fair ang Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa naganap na Jobstreet Career Con 2025, inihayag ng Pangulo na sa tulong ng mga programa ay mas magiging competitive ang kakayahan ng mga Pilipino gayundin ang mapataas pa ang tyansa na makakuha sila ng dekalidad at pangmatagalan na trabaho.
“Mas mabigat at mas malakas ang suporta ngayon ng pamahalaan para naman kayo ay mas may kakayahan upang makakuha ng magagandang trabaho,” mensahe ng Pangulo.
“Binababa po natin ang unemployment rate. Pakaunti na lang nang pakaunti ang hindi empleyadong Pilipino ngunit hindi pa kami tapos doon. Kailangan kung anuman ang hawak nilang trabaho dapat ‘yung tinatawag na quality job na may potential na ma-promote, na maging mas maganda, o kung sakali man ay magtatayo ng sariling negosyo,” dagdag niya.
Aminado si Pangulong Marcos Jr. na mabilis ang pagbabago sa labor market kaya mahalaga ang patuloy na pagsasanay ng mga manggagawa at bumuo ng karagdagang abilidad. – VC