Kaisa ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsuporta sa 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW) na nagsimula noong Nobyembre 25 at nakatakdang matapos sa Disyembre 12.
Ang kampanyang ito ay itinatag upang itaguyod ang mga karapatan ng mga kababaihan at tugunan ang lahat ng anyo ng karahasan batay sa kasarian, alinsunod sa Proclamation 1172 s. 2006.
Batay sa Republic Act 10398, idineklara ang Nobyembre 25 bilang National Consciousness Day for the Elimination of Violence Against Women and Children (VAWC).
Sa ilalim ng batas na ito, inaatasan ang mga ahensya ng gobyerno na itaas ang kamalayan ukol sa problema ng karahasan at ang pagtanggal sa lahat ng anyo ng karahasan laban sa kababaihan.
Ang kampanyang ito ay naglalayong isulong ang VAW bilang isang paglabag sa karapatang pantao at tiyakin ang mas mahusay na proteksyon para sa mga biktima at nakaligtas mula sa karahasan.
Ayon sa United Nations, ang VAW ay anumang akto ng karahasang nakabatay sa kasarian na nagreresulta o posibleng magdulot ng pisikal, sekswal, o mental na pinsala o pagdurusa sa mga kababaihan.
Sa Pilipinas, ipinakita ng National Demographic Health Survey 2017 na isa sa bawat apat na kababaihang Pilipino, edad 15-49, ay nakaranas ng pisikal, emosyonal, o sekswal na karahasan mula sa kanilang mga asawa o partner.