Sa paglahok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 44th at 45th ASEAN Summit and Related Summits sa Lao People’s Democratic Republic, muli niyang tinalakay ang maritime issues na kinakaharap ng bansa partikular na sa umiiral na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea (WPS).
Bagaman hindi nagbigay ng detalye ang Pangulo ay ibinahagi niya ang ‘general principles’ kaugnay sa pagsunod ng Pilipinas sa batas pati na rin sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
“I didn’t specify the details but it is just the general principle of the adherence to the rule of law and the UNCLOS. Just as a general theme. We will have a chance to get into more detail maybe in the next couple of days,” pahayag ng Punong Ehekutibo.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos Jr. na nananatiling diplomatiko ang Pilipinas at sinusunod lamang nito ang nasa ilalim ng UNCLOS 1982, gayundin ang 2016 Arbitral Award pagdating sa pangangalaga ng teritoryo ng bansa.
Sa kabila ng pagkapanalo ng Pilipinas sa 2016 Arbitral Award laban sa China, hindi pa rin kinikilala ng banyagang bansa ang ruling na ito dahil sa patuloy na pangha-harass ng kanilang hukbong pandagat sa mga Pilipinong naglalayag sa bahagi ng WPS.
Matatandaang nitong Martes, Oktubre 8, ay muling binomba ng tubig ng China Coast Guard (CCG) ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagsasagawa ng routine resupply mission sa Bajo de Masinloc na bahagi ng WPS dahil sa umano’y ‘trespassing’ nito sa naturang lugar. — AL