Kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang record sa ahensya ang pangalan na “Mary Grace Piattos” na umano’y isa sa tumanggap ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP).
Sa certification na inisyu ng PSA para sa imbestigasyon ng Committee on Good Government and Public Accountability, ‘negative record’ ang lumabas sa birth, marriage at death certificate sa ilalim ng pangalan ng nasabing indibidwal.
Sinabi naman ng ahensya na maaari pa nilang ipagpatuloy ang paghahanap kung makakakuha lamang sila ng karagdagang impormasyon tungkol kay Piattos gaya ng pangalan ng kanyang mga magulang.
“However, if additional information such as the name of parents of the subject, date, and place of the vital event can be provided, we can search further and be able to ascertain whether the civil registry document is available in the database,” saad ng PSA.
Matatandaan na lumutang ang pangalan ni Mary Grace Piattos sa pagdinig ng komite matapos usisain ng mga kongresista ang acknowledgement receipts na isinumite ng state auditors noong 2022.
Ayon naman sa disbursing officer ng OVP, ‘existing’ ang apelyidong “Piattos” sa Davao City.
Samantala, nauna nang itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyon na umano’y maling paggamit ng confidential fund sa kanyang opisina maging sa Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim ng ahensya. – VC