Ipatutupad na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang adjustment sa pagbubukas at pagsasara ng mga mall sa National Capital Region (NCR) alinsunod sa inilabas na Memorandum Circular No. 15 S. 2024.
Simula Nobyembre 18, magbubukas ang mga mall sa Metro Manila ng 11:00 a.m. hanggang 11:00 p.m. kada araw bilang paghahanda sa dagsa ng mga tao para sa holiday season.
Hakbang ito ng MMDA para maibsan din ang mabigat na daloy ng trapiko tuwing rush hour lalo pa at magsisimula nang mag sabay-sabay ang pamimili ng mga Pilipino ng panregalo, christmas decorations at panghanda para sa Kapaskuhan.
Samantala, tiniyak naman ng ahensya na magpapakalat sila ng mga tauhan upang mapanatili ang kaayusan sa kalsada at kaligtasan ng mga komyuter at motorista.
Epektibo ang memorandum hanggang sa araw ng pasko, Disyembre 25, 2024. —VC