Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 2816, na nagtatakda ng bagong termino para sa mga opisyal ng barangay at miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK).
Nakatanggap ng 22 botong pabor mula sa mga senador ang panukala habang wala namang abstention at tumutol dito.
Sa ilalim ng S.B. 2816, magiging apat (4) na taon ang termino ng mga halal na opisyal ng barangay at SK, ngunit hindi sila maaaring maglingkod ng higit sa tatlong magkakasunod na termino sa kaparehong posisyon.
Ayon kay Senator Imee Marcos, isa sa mga may-akda ng panukala, malaking tulong ang pagpapahaba ng termino ng mga opisyal ng barangay at SK dahil magkakaroon pa sila ng pagkakataon para magpatupad ng mas epektibo at pangmatagalang inisyatiba para sa kanilang komunidad.
Nilinaw naman ng batas na ang boluntaryong pagbibitiw sa tungkulin, kahit anong haba ng panahon, ay hindi magpuputol sa kabuuan ng kanilang termino.
Ito ay bahagi ng kanilang limitasyon bilang opisyal sa lokal na pamahalaan.
Sa oras na maisabatas, itatakda ang susunod na regular na barangay at SK elections sa unang Lunes ng Oktubre 2027 at tuwing ikaapat na taon pagkatapos nito.
Magsisimula naman sa panunungkulan ang mga opisyal na mahahalal sa unang araw ng Nobyembre matapos ang eleksyon.
Hinihintay na lamang na mapirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukala upang tuluyan itong maisabatas. – VC