IBCTV13
www.ibctv13.com

Mas mahusay na ‘disaster risk reduction efforts’, pangako ni PBBM kasunod ng epekto ng nagdaang mga bagyo

Ivy Padilla
162
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. in his latest YouTube vlog entitled ‘Disaster Resilience’. (Screengrab from PBBM’s vlog)
Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na higit pang pagbubutihin ang disaster risk reduction efforts sa local at national level matapos malubog ang bansa sa matinding pagbaha dahil sa sunud-sunod na mga bagyo.

Sa kanyang bagong vlog, binanggit ng Pangulo na milyun-milyong Pilipino ang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo na pinalala pa ng ‘climate change’.

Binigyang-diin niya kung gaano kahalaga na pagbutihin ang disaster risk reduction efforts, gayundin ang pagplano sa mga proyektong pang-imprastraktura para mabawasan ang epekto ng mga kalamidad sa bansa.

“Kaya kailangan natin maging magaling sa larangan na ito. Disaster risk reduction, both the public at saka private sector. Para naman mabawasan ang mga napapahamak sa mga ganitong uri ng sakuna,” saad ng Pangulo.

Matatandaang nagdulot ng malawakang pagbaha sa Bicol region ang Severe Tropical Storm (STS) Kristine, dahilan para suspendihin ang klase at trabaho sa buong Luzon nitong nakaraang mga linggo.

Sunod naman na naminsala sa hilagang Luzon ang Super Typhoon (STY) Leon, partikular na sa probinsya ng Batanes.

Una nang tiniyak ng Pangulo na nananatiling prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagbibigay ng tulong sa mga lubos na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.

“Kasama ang DSWD, DND, DPWH, DILG at iba pang mga ahensya ng pamahalaan, maaasahan ninyong pagtitibayin pa ang ating national at local disaster risk reduction at response,” ani Pangulong Marcos Jr. -VC