Umabot sa P1.62 trillion ang kabuuan ng naaprubahang investments ng Board of Investments (BOI) ngayong 2024, higit sa P1.5 trillion na target ng Department of Trade and Industry (DTI).
Nangunguna ang sektor ng enerhiya, partikular ang mga renewable energy projects, sa may pinakamalaking pagtaas sa approvals na umabot sa P1.38 trillion at tumaas ng 40% kumpara sa nakaraang taon.
Kasama sa mga sektor na nakitaan ng pagtaas ang air at water transport, real estate activities, manufacturing, at waste management.
Nakapagtala naman ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ng P214.17 billion na approved investments, lampas sa P200 billion na target.
Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, ang mga pamumuhunan na ito ay inaasahang lilikha ng trabaho at magpapalakas ng inobasyon at progreso ng ekonomiya.
“As we approach 2025, we are determined to build on this positive momentum. We will continue to refine and implement forward-looking policies that attract investments in these key industries, ensuring that the Philippines remains a prime destination for innovation and growth,” saad ni Sec. Roque.
Binigyang-diin ni Roque na determinado ang ahensya na itatag ang momentum habang papalapit ang 2025.
Ipinahayag din ang determinasyon ng administrasyon na ipatupad ang mga makabagong polisiya upang hikayatin ang mga mamumuhunan sa mga pangunahing industriya.
Sa datos ng DTI, mas mataas ang performance ng Pilipinas kumpara sa Thailand at Malaysia pagdating sa investments, lalo na sa unang tatlong quarter ng 2024. Ang matagumpay na pagsusulong at pagbabago sa polisiya ay itinuturing na pangunahing dahilan nito.
Ngayong taon, ilang working visits abroad ang isinagawa ng Pangulo kung saan pangunahing layunin ay ibida ang Pilipinas bilang magandang destinasyon para sa pamumuhunan.
Kabilang dito ang kanyang pakikipagtulungan sa Auro Chocolate, isang lokal na kumpanya, at Mitsukoshi, isang kilalang retailer mula Japan na inaasahang makakatulong sa 1,000 pamilya.
Nakakuha rin ang Pangulo ng pangakong pamumuhunan mula sa VinGroup Company ng Vietnam partikular sa produksyon ng electric vehicle (EV) batteries para sa modernisasyon ng pampasaherong transportasyon sa bansa.
Naselyuhan din ang 12 business agreements mula Australia na nagkakahalaga ng USD1.53 billion o P86 billion para sa iba’t ibang sektor tulad ng renewable energy at digital health services.
Noong Marso 2024, nakapagtala ang PEZA ng P2.84 billion halaga ng investments kung saan halos kalahati nito ay bunga ng opisyal na pagbisita ni Pangulong Marcos Jr. sa labas ng bansa.
Patuloy na pinapabuti ng Pangulo ang estado para sa pamumuhunan para lumikha ng mas maraming oportunidad at maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. – VC