IBCTV13
www.ibctv13.com

Mas mataas na multa at kulong sa mga employer na lalabag sa wage order, isinusulong ni Sen. Estrada

Ivy Padilla
143
Views

[post_view_count]

Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada/Wage Order No. NCR-26. (Photo by Senate and RTWPB)

Isa hanggang dalawang taon na pagkakakulong at P25,000 halaga ng multa ang isinusulong na parusa ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada para sa mga employer na hindi susunod sa ipatutupad na P50 dagdag sa arawang sahod ng mga minimum wage earner sa Metro Manila simula Hulyo 18.

“Ang mga manggagawa ay hindi lamang dapat makakuha ng disenteng sahod, kailangan ding siguruhin ng pamahalaan na ipinatutupad ito ng kanilang mga employers,” pagbibigay-diin ni Estrada.

Iginiit ni Estrada na kailangang maprotektahan ang karapatan ng manggagawa at maisakatuparan ang diwa ng social justice na nakasaad mismo sa Konstitusyon.

Sa ilalim ng Wage Order No. NCR-26 na inaprubahan ng NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) noong Hunyo 24, itataas sa P695 ang arawang sahod sa non-agriculture sector habang P685 naman para sa mga nasa agriculture at service at retail establishment.

“Taon-taon naman halos ay may ipinatutupad ang ating mga RTWPB na pagtaas sa arawang sahod ng ating mga manggagawa. Pero hindi sapat na ianunsyo lang ang dagdag-sahod. Dapat may ngipin ang ating batas para matiyak na susundin ito ng lahat ng employer,” dagdag pa ng senador.

Nakapaloob din sa panukala ang pagpapaigting sa sistema kabilang na ang awtomatikong pagkuha sa mga ari-arian at asset ng mga employer na lalabag at hindi magbabayad ng multa.

Kumpiyansa si Estrada na makakakuha ng suporta mula sa kanyang mga kasamahan sa Senado ang isinusulong na panukala lalo na’t para ito sa karapatan ng mga manggagawa.

“Higit sa parusa, katarungan at dignidad ng manggagawang Filipino ang itinataguyod natin dito,” giit ni Estrada. – VC

Related Articles

National

Hecyl Brojan

104
Views

National

Divine Paguntalan

93
Views