
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangangailangan ng mabilis at sabayang aksyon ng pamahalaan para sa paparating na Severe Tropical Storm #OpongPH, kasabay ng pagpapatuloy ng tulong at rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng Super Typhoon #NandoPH.
Iniutos ng Pangulo sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang agarang pag-preposition ng lahat ng pondo, tauhan, at kagamitan, lalo na sa Bicol Region, Metro Manila, at Central Luzon na inaasahang makararanas ng malakas na pag-ulan sa paglapit ng bagyo.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), handa na ang 2.5 milyong family food packs para sa mga apektadong komunidad. Maaga na ring naipuwesto ang relief goods, medisina, at iba pang suplay sa mga liblib at high-risk na lugar.
Samantala, iniulat naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro na nasa 7,000 pamilya ang nananatili sa evacuation centers dulot ng Nando na tinatayang nag-iwan ng P15 milyon halaga ng pinsala sa agrikultura. —VC