Mahalaga para kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagdaragdag ng mga seedling nursery sa buong bansa upang mas mapalakas pa ang agricultural outputs sa sektor ng agrikultura.
Ibinahagi ng punong ehekutibo na kabilang ang bagong istratehiya sa natalakay sa kanilang pulong kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) nitong Miyerkules, Nobyembre 19.
“Nagpulong kami kahapon ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno kasama ang pribadong sektor. Dito nagmungkahi ng mga hakbang na paramihin pa ang ating mga seedling nursery sa buong bansa para mapa-igting pa natin ang pagtatanim ng mga gulay at bigas,” saad ng Pangulo.
Aniya, nakikita itong paraan ng pamahalan upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa pag-aangkat ng mga produktong pang-agrikultura para matugunan ang pangangailangan ng mga tao.
Kumpiyansa naman si Pangulong Marcos Jr. na matutulungan ng nasabing inisyatiba ang Pampanga na siyang kilala bilang ‘Culinary Capital of the Philippines’.
“Sigurado ako na sa ganitong paraan ay makakatulong ito sa ilang pangunahing industriya ninyo rito sa Pampanga, kagaya ng pagsasaka, specialty food, at ang food processing,” saad ng Pangulo.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos Jr, ang pamamahagi ng Certificates of Land Ownership (CLOAs) at Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROMs) sa 2,500 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBS) sa Pampanga ngayong araw. – AL