
Iniugnay ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang patuloy na pagsisikap ng Department of Agriculture (DA) na mapatatag ang presyo ng mga pagkain, partikular ng produktong bigas, sa pagbagal ng antas ng inflation sa Pilipinas para sa buwan ng Pebrero ngayong taon.
Binigyang-diin ni Economic Planning Assistant Secretary at Deputy National Statistician Divina Gracia del Prado na malaking tulong ang pagpapatupad ng maximum suggested retail price (MSRP) sa imported na bigas sa pagpapababa ng presyo ng bilihin.
“We saw the impact of the MSRP on imported rice on retail prices,” saad ni Prado.
Binanggit din niya ang tulong ng paglalabas ng rice buffer stocks mula sa National Food Authority, gayundin ang pagsulong ng Rice-for-All program sa ilalim ng Kadiwa ng Pangulo upang mapababa ang presyo ng bigas.
Lumalabas na sa P100 na badyet ng isang average Filipino consumer, nasa P89 ang napupunta para sa bigas.
Kaugnay nito, nangako naman si DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na patuloy makikipag-ugnayan sa iba’t ibang stakeholder sa sektor ng agrikultura upang matiyak ang seguridad sa pagkain sa bansa.
“The slower inflation in February is an affirmation of the DA’s strategy to systematically stabilize the supply and prices of agricultural food products—one that minimizes industry disruptions by consulting with stakeholders as we guide food prices to more reasonable levels,” ani Laurel.
“We will continue to engage with the various stakeholders in the agriculture sector as we refine our approach to ensuring food security in the country,” dagdag pa niya. – VC