IBCTV13
www.ibctv13.com

Maulan na Undas 2025, asahan dahil sa LPA, Amihan, ITCZ — PAGASA

Divine Paguntalan
164
Views

[post_view_count]

(IBC file photo)

Magiging maulap at maulan ang panahon sa malaking bahagi ng bansa pagsapit ng Undas dahil sa tatlong umiiral na weather system; Low pressure area (LPA), Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at Northeast Monsoon o Amihan, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Mula Huwebes hanggang Biyernes (Oktubre 30–31), mararanasan ang maulap na kalangitan na may mga pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands dulot ng Amihan, habang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pag-ambon naman sa Apayao, Abra, at Ilocos Norte.

Posibleng mabuo rin ang isang LPA sa silangan ng Visayas, kasabay ng ITCZ, at magdadala ng mga pag-ulan at pagkulog sa Visayas, Mindanao, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Central Luzon, Cagayan Valley, La Union, at Pangasinan.

Ang natitirang bahagi ng Luzon ay makararanas ng bahagyang maulap na kalangitan na may mga panandaliang pag-ulan o pagkulog.

Magpapatuloy ang epekto ng LPA at ITCZ pagsapit ng Sabado hanggang Linggo (Nobyembre 1-2).

Nilinaw ng PAGASA na mababa ang tsansang maging bagyo ng nasabing LPA sa loob ng forecast period.

Pinapayuhan ng ahensya ang publiko na magdala ng payong at mag-ingat sa mga biglaang pag-ulan, lalo na sa mga pupunta sa mga sementeryo ngayong Undas. — VC