IBCTV13
www.ibctv13.com

Meta, may pananagutan sa pagkalat ng fake news online – PCO chief

Divine Paguntalan
167
Views

[post_view_count]

(Canva file photo; Screengrab from RTVM)

Iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz ang responsibilidad ng Meta—kumpanyang may-ari ng social media platforms na Facebook at Instagram—na pigilan ang paglaganap ng disinformation online.

Sa pagdinig ng House Tri-Committee ukol sa fake news ngayong Huwebes, Hunyo 5, sinabi ni Ruiz na kahit ang gobyerno ay nahihirapan nang tanggalin ang mga maling impormasyon sa social media, dahil tumatanggi umano ang Meta na aksyunan ang mga ito kahit may opisyal nang patunay na ang mga ito ay peke.

Ibinunyag din ng kalihim ang isang insidente kung saan ikinalat online ang pekeng memo na iniuugnay sa Office of the Executive Secretary at kahit may certification na aniya mula sa DICT Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) bilang peke, tumanggi pa rin ang Meta na ibaba ang post.

“Alam mo sir, hindi nila tinanggal. Ang reason ng mga platforms is that ito is freedom of expression, may community standards kami, ang bawat isang user, siya ang accountable to his or her account,” saad ni Ruiz.

Binigyang-diin ni Sec. Ruiz na ang ganitong uri ng disinformation ay sumisira sa tiwala ng publiko at humahadlang sa tamang pag-unawa sa mga programa ng gobyerno.

Babala ng kalihim, kung mananatiling malaya at hindi napapanagot ang mga social media platform ay posibleng masira ang demokrasya ng bansa lalo na sa panahon ng halalan.

Samantala, tiniyak ng PCO na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Kongreso upang makabuo ng mga polisiya na puprotekta sa publiko laban sa maling impormasyon sa digital platforms. – VC