
Umaasa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matatapos na ang konstruksyon ng Metro Manila Subway Project sa taong 2028.
Nitong Miyerkules, personal na nag-inspeksyon ang Pangulo sa ilang bahagi ng southbound rail line sa Camp Aguinaldo Station kung saan sinubukan niya ang isang tren na ginagamit ng mga manggagawa sa loob ng tunnel at aktwal na tiningnan ang tunnel boring machine.
Pinuri ng Pangulo ang mga taong nagtatrabaho sa likod ng proyekto, partikular na ang mga katuwang na eksperto mula Japan at advanced technologies nito na makakatulong upang masigurong matibay at epektibo ang konstruksyon.
“Napaka-impressive. Impressive talaga ito. Kung titingnan ninyo, isipin niyo kung gaano kabigat ‘yung engineering na dinadala nila dito,” mensahe ng Pangulo.
“Kaya I urge everyone to keep going, and we look forward to the day when we can say na nasakyan na natin ‘yung subway sa Pilipinas. We have taken the tube to go to work,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang pangangailangan na matapos ang proyekto upang mapagaan na ang araw-araw na pagbiyahe ng mga komyuter sa Metro Manila.
Ang subway ang kauna-unahang underground railway system sa bansa at magkokonekta mula Valenzuela City hanggang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City kung saan oras na matapos, ang kasalukuyang dalawang oras at kalahating biyahe ay magiging 40 minuto na lamang. – VC