Inatasan ng Supreme Court (SC) ang mga abogado na maglaan ng hindi bababa sa 60 oras para sa ‘pro bono’ o libreng legal aid para sa mahihirap na Pilipino kada tatlong (3) taon.
Ito ay alinsunod sa bagong patakaran sa Unified Legal Aid Service (ULAS) na layong makapagbigay ng serbisyong legal sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ayon sa SC, maaaring gawin ang pro bono legal aid sa anyo ng ‘representation in court, legal counseling, drafting legal documents, developmental legal assistance and participation in accredited legal outreach programs’.
“The legal service itself will be free for such qualified beneficiary and the necessary expenses for the rendering of the service will be borne by the Court thru the ULAS Fund, which will be set up for this purpose,” saad ng SC.
Sa ilalim bagong patakaran, pinahihintulutan din ang mga abogado na mag-ambag ng pinansyal na tulong sa ULAS Fund na magiging katumbas ng hanggang kalahati sa kinakailangang 60 oras.
Nakatakdang mag-isyu ng iskedyul ang ULAS Board para sa ‘hourly rate’ ng nasabing kontribusyon.
Ang sinumang abogado na bigong maisakatuparan ang kinakailangang 60 oras ay maaari pagmultahin o ilista bilang ‘delinquent member’ ng Integrated Bar of the Philippines.