
Malaking kaginhawaan para sa mga pinuno ng iba’t ibang lungsod sa buong bansa ang mas pinalawak na Local Government Support Fund (LGSF) para palakasin ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan na maglunsad ng nararapat at maagap na proyekto na higit na kailangan ng nasasakupang komunidad.
Sa paglulunsad ng programang “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang” ngayong-araw, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsisikap ng administrasyon na tiyaking mabilis at diretso na ang pagdating ng LGSF sa bawat lokal na pamahalaan.
“In the past, it worked mainly as – shall we say – a demand-driven system. Inilalabas lamang ang pondo kapag ang lokal na pamahalaan ay nakapag-submit ng lahat ng requirements para sa panukalang proyekto,” bahagi ng mensahe ng Pangulo.
“Kaya’t inutos ko na tutukan ang mga problemang ito. Nagsagawa tayo ng malawakang konsultasyon kasama ang ULAP, the League of Municipalities of the Philippines, League of Cities ng buong Pilipinas upang tukuyin kung anong mga hakbang ang kailangan nating gawin,” dagdag niya.
Kabilang ang karagdagang rice assistance, pagpapaunlad ng mga pasilidad pangkalusugan, pagtitiyak ng kahandaan sa mga kalamidad, at pagpapaigting ng mga programang pang-imprastraktura sa mga prayoridad na paglalaanan ng LGSF.
Ngayong taon, itinaas ng Pangulo ng mahigit P34 bilyon ang LGSF na may kabuuang pondo na aabot ng halos P58-B, pinakamataas sa buong kasaysayan ng LGSF.
Maraming pinuno kabilang na ang mga gobernador at mga alkalde mula sa iba’t ibang lungsod sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa inisyatiba ng Pangulo na anila’y epektibong tutugon sa tiyak na pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Isa sa nagpahayag ng kanyang taos-pusong pasasalamat kay Pangulong Marcos Jr. si Manila Mayor Isko Moreno na gagamitin ang pondo para tugunan ang fiscal situation ng Lungsod ng Maynila habang malaking bagay sa Pasig City na direkta nang nakalaan ang pondo sa mga LGU.
“I, as Mayor of Manila, on behalf of the people of Manila, we’re very grateful of President Bongbong Marcos,” ani Moreno.
“Yung maganda dito talagang nakalaan na yung pondo per LGU. Tapos lahat meron, so minus sa pulitika,” saad ni Mayor Vico Sotto na naranasang makiusap pa noon para lamang makapaglunsad ng isang proyekto.
Ikinatuwa rin nina South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. at San Juan City Mayor Francis Zamora na decentralized na ang pondo patungo sa mga local government unit.
Para naman kay Mayor Danilo Tolentino ng Dipaculao, Aurora, pinagtitibay ng inisyatibang ito ang mga pinuno sa local level na magkaroon ng kakayahang tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan sa kani-kanilang mga lugar.
Samantala, nagkakaisa ang mga gobernador at alkalde mula Mindanao sa pasasalamat sa pambansang pamahalaan para sa pagtitiyak na naaabot din ang mga malalayong lugar sa bansa.
Ayon kay Mayor Frederick Sioa ng Iligan City, gagamitin ng lalawigan ang pondo sa mga laboratory equipment ng kanilang mga Super Health Center, dental bus para sa City Health Office, at pagsasagawa ng road concreting at cementing projects sa buong lungsod.
Sa sektor naman ng agrikultura at mga proyekto gaya ng rice subsidy at renewable energy ang tututukan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camiguin at Zamboanga del Sur.
“Malayo na kami sa national government. Iniisip ng Mindanao, madinig pa kaya ‘yung pangangailangan natin?” saad ni Zamboanga del Sur Governor Divina Grace Yu.
“So malaking bagay na ganoon ‘yung allocation kasi mapupunta talaga kahit dun sa pinakamalayo na barangay o pinakamalayo na munisipyo,” dagdag ng babaeng gobernador.
Pagpapalawak ng kakayahan ng mga LGU ang pinakamahalagang bahagi ng inisyatiba. Naniniwala ang mga lokal na lider na magkakaroon na ngayon ng direktang tugon ang pamahalaan sa pangangailangan ng mga komunidad.
“Nakikita, nananamnam, at nararamdaman ng mamamayan ang pagyabong ng bunga ng pagbabago,” pagbibigay-diin ni Matuguinao, Samar Mayor Aran Boller.
Nananawagan ang mga alkalde at gobernador sa Pangulo na ipagpatuloy ang pag-abot ng LGSF partikular na sa mga lungsod na higit na nangangailangan ng tulong. – VC











