Nag-alay ng isang misa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mga biktima ng nakaraang Severe Tropical Storm (STS) Kristine na binawian ng buhay kasabay ng Day of National Mourning ngayong Lunes, Nobyembre 4 sa Barangay Sampaloc, Talisay, Batangas.
“Batid namin na hindi madaling maibsan ang sakit na inyong pinagdadaaanan, ngunit umaasa kami na sa suportang handog namin, kayo ay makapagsimula muli,” mensahe ng pakikiramay ni Pangulong Marcos Jr. sa mga biktima ng nagdaang bagyo.
Batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pumalo na sa 150 ang bilang ng mga indibidwal na nasawi mula sa pananalasa ng STS Kristine na sinundan pa ng Super Typhoon Leon as of November 4.
Mula dito ay tinatayang 61 ang bilang ng mga indibidwal na nasawi sa Batangas kabilang ang halos 20 na namatay sa Talisay dahil sa pagguho ng lupa o pagkalunod.
Hanggang ngayon ay nakailalim pa rin ang buong probinsya ng Batangas sa state of calamity.
Sa bisa ng Proclamation 728, idineklara ni Pangulong Marcos Jr. ang petsa ng Nobyembre 4 bilang Day of National Mourning bilang pag-alaala sa mga nasawing indibidwal mula sa nakaraang pananalasa ng bagyong Kristine. – VC