Matapos ang pagpapaulan ng bagyong Nika, iniulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nananatiling nasa ‘below spilling level’ ang mga malalaking dam sa Luzon.
Ayon sa PAGASA, sinusunod nila ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unti-unti nang magpakawala ng tubig sa mga dam sa bansa upang maiwasan ang malalang pagbaha sa mga komunidad na kalapit nito.
Iniulat naman ni PAGASA Hydrologist Richard Orendain na kabilang sa kanilang tinututukan ang water level sa Magat Dam na nasa Ifugao at Isabela dahil sa ‘heavy inflow’ ng tubig dito.
Nauna nang nagpakawala ang Magat Dam ng tubig noong kasagsagan ng bagyong Leon at Marce na sinundan pa ng pagbubukas ng isang spill gate nitong Lunes, Nobyembre 11 dahil sa bagyong Nika.
“Ibinaba nila ito hanggang elevation 182 meters. So, napakalayo na po nito sa spilling level na 193,” saad ni Orendain.
“Malaki pa rin ‘yung inflow ng Magat Dam sa ngayon dahil umaabot siya ng halos 2,000 cubic meter per second ‘yung pumapasok sa reservoir. And ang inilalabas lang niya is halos 700 cubic meter per second. So medyo matatagalan, mapo-prolong ang pagre-release ng Magat Dam gawa ng may paparating pang bagyo,” dagdag niya.
As of 8:00 a.m. ay nasa 186.39 meters (m) na ang lebel ng tubig sa Magat Dam na pasok pa rin sa Normal High Water Level (NHWL) nito matapos madagdagan ng 4.44 m mula sa patuloy na pag-ulan na dala ng bagyong Nika.
Nagbabala naman si Orendain sa mga residente ng Cagayan para sa posibleng pagbaha sa lugar dala ng ‘heavy inflow’ ng tubig sa Magat Dam na posible pang magbukas ng mga gate kung sakali mang umabot na ito sa ‘critical level’ dahil sa mga paparating na bagyo.
Batay sa huling tala ng PAGASA, as of 8:00 a.m. bumaba ang lebel ng tubig sa tatlong dam sa bansa: Angat (201.73 m); Ipo (99.99 m); at La Mesa Dam (79.5 m).
Nananatili namang nakabukas ang Ambuklao Dam (751.58 m) sa Benguet na may kabuuang 1.0 meter opening para magpalabas ng 154.00 cubic meters per second (CMS).
Binabantayan din ng PAGASA ang lebel ng tubig sa Binga Dam (574.7 m) na mayroong dalawang gate na nakabukas; San Roque Dam (278.3) na may isang gate na bukas,; pati na ang Pantabangan Dam (209.94 m). – VC