
Kinumpirma ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang pagkansela ng Procurement Service-DBM (PS-DBM) sa PhilGEPS membership ng siyam (9) na kumpanyang konektado kay Sarah Discaya dahil sa pagkakasangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Pangandaman, bawal nang makilahok sa anumang procurement project ng gobyerno ang naturang mga kumpanya, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-blacklist ang mga kontratista na mapatutunayang sangkot sa iregularidad.
Naka-high alert din ang PS-DBM para kanselahin ang PhilGEPS membership ng iba pang contractor, kabilang ang SYMS Construction Trading at Wawao Builders, oras na maglabas ng official blacklisting order ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon pa kay DPWH Sec. Vince Dizon, tuluyan nang idedeklarang diskwalipikado ang mga nasabing kontratista matapos personal mismong masaksihan ang substandard na kalidad ng ilang flood control projects na ginastusan ng pondo ng bayan.
Tiniyak naman ng PS-DBM sa pamumuno ni Executive Director Genmaries Entredicho-Caong na maninindigan sila laban sa katiwalian at sisiguruhin na hindi na makakasali sa procurement ng gobyerno ang mga kumpanyang sangkot sa anomalya. –VC