Nagpaabot ng pasasalamat ang mga magulang ni convicted overseas Filipino worker (OFW) Mary Jane Veloso kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasunod ng pagpayag ng Indonesian government na ipagpatuloy na lamang sa Pilipinas ang sentensya nito.
Sa eksklusibong panayam sa ama ni Mary Jane na si Cesar Veloso, lubos ang pasasalamat nito kay Pangulong Marcos Jr. dahil makakauwi na sa bansa ang anak matapos ang 14 na taon na pagkabilanggo sa Indonesia.
“Nagpapasalamat po ako sa ating mahal na Pangulo na naaksyunan na rin na yung hinihintay namin na buong pamilya na makauwi na ang aking anak na makapiling na namin po siya,” saad ni Cesar.
Pinasalamatan din ni Cesar ang pamahalaan ng Indonesia na nagbigay ng pahintulot na mailipat sa bansa si Mary Jane.
“Nagpapasalamat din po ako sa Presidente po ng Indonesia na tumugon po sa kaso ng aking anak, at pumayag na rin na i-uwi dito sa Pilipinas,” pasasalamat nito.
Hindi rin maitago ang tuwa ng ina ni Mary Jane na si Celia na inaming halos nawalan na siya ng pag-asa na makakauwi at makakapiling pa ang anak.
“Parang nawalan na po ako ng pagasa pero ngayon sa tulong ng Pangulo natin, sa mga taong tumutulong sa kanya, nagkaroon na po ng linaw, masaya na po kami dahil makakauwi din pala ang anak ko,” saad ni Celia.
Bukod sa kanyang mga magulang ay labis din ang kagalakan na nararamdaman ng dalawang anak ni Mary Jane na hindi pa rin makapaniwalang babalik na sa bansa ang kanilang ina.
“No’ng nabalitaan nga po nila yung makauwi na po yung nanay nila, “Haay, Salamat” ika nila at may magaaruga na rin po sa amin. Ika ng mga anak. Makakapiling na rin namin ang aming magulang, ika,” kwento ni Cesar.
Umaasa ito na matutulungan ng pamahalaan ang mga anak ni Mary Jane na makabalik sa pag-aaral at masuportahan hanggang makatapos sa kanilang edukasyon.
Ayon kay Cesar, nakatakda sana nilang dalawin ng pamilya ang nakulong na OFW sa darating na Disyembre 15 hanggang 19 sa Indonesia.
Umaasa naman ang pamilya ng OFW na hindi na matuloy ang kanilang paglipad sa ibang bansa at salubungin na lamang ito sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas.
“Sana po hindi na. Siya na po nalang sana ang uuwi. Sasalubungin na namin sana,” saad ni Cesar.
Sa ngayon ay walang pang eksaktong petsa kung kailan darating si Mary Jane sa bansa.
Matatandaang noong 2010 nang mahuli ito sa Adisucipto International Airport matapos makumpiska sa kanya ang aabot sa 2.6 kilogram ng heroin.
Agad na kinulong si Mary Jane sa Indonesia para sa kasong drug trafficking at sinentensyahan ng bitay. – AL