
Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tuluyan nang napigil ang “recycling” at “reselling” ng mga nakukumpiskang iligal na droga sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasunod ng pagpapatupad ng agarang pagwasak sa mga ito.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, winawasak ang mga droga sa loob lamang ng ilang araw matapos itong makumpiska.
“Ngayon po may sistema na within so many days may destruction kaagad. Wala na pong recycling ng drugs ngayon sa Pilipinas,” ani Remulla.
Paliwanag naman ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Isagani Nerez, maaari nang sirain ang mga drogang nakumpiska mula sa operasyon na walang naarestong suspek sa pamamagitan ng sertipikasyon mula sa PDEA, katuwang ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI), na dati ay nangangailangan pa ng utos mula sa korte.
Sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA), iniulat ni Pangulong Marcos na mahigit P83 bilyon halaga ng iligal na droga ang nakumpiska sa unang tatlong taon ng kanyang termino, halos katumbas ng kabuuang halaga na nasamsam sa buong anim na taon ng nakaraang administrasyon. –VC