IBCTV13
www.ibctv13.com

Mga obispo, itinuturing na isang hakbang tungo sa pananagutan ang pag-aresto kay FPRRD

Hecyl Brojan
335
Views

[post_view_count]

Catholic Bishop Broderick Pabillo led a vigil for victims of extrajudicial killings in August 2016 at a church in Manila. (Photo from PIA/Zeke Jacobs)

Itinuturing ng ilang obispo ng Simbahang Katoliko ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang isang mahalagang hakbang tungo sa pananagutan at hustisya, kaugnay sa kasong mga krimen laban sa sangkatauhan na isinampa laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Bishop Jose Colin Bagaforo ng Kidapawan, pangulo ng Caritas Philippines, ito ay isang malaking hakbang tungo sa hustisya para sa mga naging biktima ng war on drugs noong nakaraang administrasyon.

“True justice is about accountability, transparency, and the protection of human dignity,” ani Bishop Bagaforo.

Dagdag ni Bagaforo, “For years Duterte has claimed that he is ready to face the consequences of his actions. Now is the time to prove it.”

Sakop ng imbestigasyon ng ICC ang mga kaso mula taong 2011 hanggang 2019, kabilang ang panahon kung kailan alkalde pa lamang ang dating Pangulo sa Davao City.

Isa ang umano’y “death squad” sa iimbestigahan sa nasabing international court, na hinihinalang ginawang modelo para sa malawakang kampanya kontra iligal na droga nang maging pangulo si Duterte noong 2016.

Sa opisyal na datos ng Philippine National Police, nasa 6,200 katao ang nasawi sa war on drugs, ngunit tinatayang aabot sa 12,000 hanggang 30,000 ang bilang ng mga biktima ng umano’y extra-judicial killings ayon sa mga human rights group.

Sa kabila ng mga batikos, iginiit ni Duterte na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas mula nang bawiin niya ang pagiging miyembro nito noong 2019.

Gayunpaman, ilang mga eksperto na ang nagpatotoo na may kapangyarihan ang ICC na litisin ang mga krimen na naganap bago pa man umalis ang bansa mula sa Rome Statute.

Habang mariing tinututulan ng mga taga-suporta ng pamilya Duterte ang pag-aresto sa dating Pangulo, nanindigan si Bishop Broderick Pabillo ng Taytay na walang sinuman ang dapat makatakas mula sa pananagutan.

“That is what democracy should be—no one is above the law, and everyone must answer for their actions,” pahayag ng obispo sa isang panayam ng Radio Veritas.

Related Articles