Bumaba sa 43% ang self-rated poverty sa Pilipinas o mga Pilipinong itinuturing ang kanilang sarili bilang mahirap para sa third quarter ng 2024, mula sa 48% noong second quarter.
Katumbas ito ng nasa 11.3 milyong populasyon ng mga Pilipino batay sa Tugon ng Masa survey na isinagawa ng polling firm na OCTA Research mula Agosto 28-Setyembre 2.
Bumaba rin ng 5% ang self-rated hunger sa mga pamilyang Pilipino mula 16% noong second quarter patungong 11% ngayong third quarter o katumbas ng 2.9 milyong pamilya.
Ikinatuwa naman ni House Speaker Martin Romualdez ang naging resulta ng survey na bunga aniya ng mga pagsisikap ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para tuluyang sugpuin ang kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng whole-of-government approach.
“Atin pong ikinagagalak ang magandang balitang ito. Hindi po nasasayang ang ating pagsisikap na mai-ahon ang ating mga kababayan sa Bagong Pilipinas campaign ng ating mahal na pangulo,” pahayag ni Romualdez.
Tiniyak din ni Romualdez na patuloy na susuportahan ng Kongreso ang mga programa ng administrasyon para sa mga Pilipino.
“Tuloy-tuloy ang suporta ng Kongreso sa mga polisiya at programa na makakatulong sa ating mga kababayan. We are committed to ensuring that the Marcos administration’s vision of a more equitable and prosperous Philippines becomes a reality,” dagdag niya. —VC