Pansamantalang pinahihintulutan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagdaan ng mga provincial bus sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) bunsod ng inaasahang pagdami ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang mga probinsya upang gunitain ang Undas ngayong taon.
Buong araw maaaring makadaan ang mga provincial bus sa kahabaan ng EDSA simula Oktubre 29 hanggang 5:00 a.m. ng Lunes, Nobyembre 4.
Ayon sa MMDA, bahagi ito ng kanilang Oplan Undas 2024 na binuo para makapaghatid ng mabilis at tuluy-tuloy na biyahe para sa mga pasaherong sasakay sa mga provincial bus pauwi sa kanilang mga probinsya.
Pinapayagan ng ahensya ang mga provincial bus na manggagaling sa North Luzon na huminto sa mga terminal na nasa Cubao, Quezon City.
Ang mga bus naman na magmumula sa South Luzon ay maaaring huminto sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at Pasay. – VC