Pinuri ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga proyekto sa Sorsogon na kinilala niya bilang bunga ng pagbubuklod ng bawat isa para sa hangarin na mapabuti ang Pilipinas sa kabila ng magkakaibang paniniwala at opinyon.
Kabilang ang Sorsogon National Government Center, isang one-stop shop government center, sa binisita ng Pangulo sa Bicol region ngayong araw. Ang center ay nagbigay-daan para mailapit at mapabilis ang paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan sa taumbayan.
“Ito ay sumusuporta sa layunin ng ating Administrasyon na mapadali ang serbisyo publiko at mapadami pa ang namumuhanan sa bansa,” bahagi ng mensahe ni Pangulong Marcos Jr.
Kinilala rin niya ang Sampaloc Tenement na bunga naman ng pagkakaisa ng local at national government.
“Ito ay magsisilbing kanlungan ng ating mga benepisyaro mula sa Barangay Sampaloc, na naaayon naman sa ating hangarin na mabigyan ng maayos at ligtas na pabahay ang ating mga kababayan,” saad ng Pangulo.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagkakaisa sa tagumpay ng bawat proyekto gaya na lamang ng Sorsogon Provincial Sanitarium Facilities at ang pagpapaganda ng mga kalsada papuntang Bacon Airport.
“Maaaring may pagkakaiba tayo sa mga paniniwala at sa opinyon, ngunit alam ko na tayo ay pinagbubuklod ng iisang hangarin—ang maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat isang Pilipino. Kaya naman umaasa ako sa suporta ng mga Pilipino. Sa tulong ninyo, alam kong makakamit natin ang mga hangarin para sa ikauunlad ng bansa,” saad ng Pangulo.
Ngayong araw, pinangunahan mismo ni Pangulong Marcos Jr. ang inagurasyon ng Sorsogon Sports Arena na may kapasidad na tumanggap ng 12,000 katao. —VC