IBCTV13
www.ibctv13.com

Mga pulis, nasa likod ng pagpaslang kay ex-Tanauan Mayor Halili noong 2018 – Garma

Ivy Padilla
742
Views

[post_view_count]

Inamin ni retired police at former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma na mga miyembro ng kapulisan ang nasa likod ng pagpatay kay dating Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili noong 2018.

Sa House Quad Commitee meeting nitong Biyernes, Oktubre 11, sinabi ni Garma na ipinagmalaki umano sa kanya ng nagngangalang Major Albotra mula sa Region 7 ang nasabing pananambang sa alkalde.

“Major Albotra of Region 7. Lieutenant Colonel na yata. Ipinagmalaki niya sa akin noon,” saad ni Garma.

“He said he was in the team,” dagdag nito.

Ito ay kasunod ng tanong ni Sta. Cruz, Laguna Rep. Dan Fernandez patungkol sa mga malalaking personalidad na napaslang sa ‘War on Drugs’ ng nagdaang administrasyon.

Dahil dito, iminungkahi ni Rep. Fernandez sa komite na imbitahan sa susunod na pagdinig ng Quad Commitee ang sinasabing lieutenant colonel.

Matatandaang binaril si Halili ng hindi pa nakikilalang gunman sa isang flag-raising ceremony sa harap mismo ng City Hall noong Hulyo 2018.