Muling pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangakong modernisasyon sa hanay ng Philippine Marine Corps (PMC) upang matiyak na sapat ang kakayahan at kapasidad nitong ipagtanggol at depensahan ang Pilipinas.
“We are committed to building a stronger and more comprehensive defense posture by investing in modern infrastructure, upgrading facilities — facilities that will boost your operations,” mensahe ng Pangulo sa ika-74 na anibersaryo ng PMC nitong Huwebes.
Tiniyak ng punong ehekutibo na prayoridad ng kanyang administrasyon ang higit pang pagpapalakas sa PMC na nagsisilbing naval infantry force ng Philippine Navy.
Kabilang sa pangunahing responsibilidad nito ang pagsasagawa ng ‘coastal defense and amphibious operations’ sa mga sakop na karagatan ng bansa.
Sa paglipas ng taon, kasama na rin sa operasyon ng PMC ang pagtulong sa mga Pilipino lalo na sa oras ng pananalasa ng sakuna at kalamidad.
Kinilala ni Pangulong Marcos Jr. ang hindi matatawarang kontribusyon ng mga miyembro ng PMC sa pagtiyak ng kaayusan at kapayapaan sa bansa.
“Your unwavering commitment to duty—whether on land or on sea—has been instrumental in shaping the security landscape that we continue to build on today,” saad ng Pangulo.
Hinikayat din ng lider ang nasabing hukbo na ipagpatuloy ang dedikasyon at kahusayan sa tungkulin upang magsilbing ehemplo sa mga susunod pang henerasyon. -VC