
Binigyang-linaw ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) ang papel ng mga opisyal na mapa at nautical chart ng Pilipinas sa pagpapakita at pangangalaga ng hurisdiksiyong pandagat ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Ipinaliwanag ng NAMRIA na ang mga mapa ay may praktikal at teknikal na layunin bilang batayan ng impormasyong may kinalaman sa geographical para sa mga mandaragat at iba pang institusyon sa loob at labas ng bansa.
Ayon sa ahensya, mula pa noong 2012 ay pormal nang ginagamit ng pamahalaan ang pangalang WPS sa mga publikasyon nito, kaya’t patuloy itong ginagamit sa lahat ng opisyal na mapa at chart na ginagamit sa paglalayag.
Nilinaw din ng NAMRIA ang paraan ng paggamit sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa, kung saan ang EEZ ay umaabot hanggang 200 nautical miles mula sa archipelagic baselines ng bansa.
Ito ang dahilan kung bakit hindi sapat ang maikling talaan ng mga coordinate upang ganap na mailarawan ang hangganang pandagat, kaya naman gumagamit ang ahensya ng geospatial data na itinakda sa Republic Act 9522.
Binigyang-diin din nito na ang kanilang mga nautical chart ay sumusunod sa pamantayang hydrographic, at ginagamit hindi lamang ng mga sasakyang-pandagat ng Pilipinas kundi pati ng mga dayuhang naglalayag sa mga katubigang sakop ng hurisdiksyon ng bansa.
Ang mga chart ay isinumite sa International Hydrographic Organization (IHO) upang maisama ang datos ng Pilipinas sa pandaigdigang maritime record at masuportahan ang ligtas na aktibidad pandagat.
Iginiit naman ng NAMRIA na mananatili itong nakatuon sa mandatong magbigay ng maaasahang impormasyon para sa bansa, bilang suporta sa pambansang soberanya, kaligtasan sa paglalayag at maayos na pamamahala ng likas-yaman. – VC











