IBCTV13
www.ibctv13.com

Nasa likod ng palpak na flood control projects sa bansa, pananagutin ni PBBM

Ivy Padilla
141
Views

[post_view_count]

Overflowed river in Lumangbayan, Paluan in Occidental Mindoro during the onslaught of Typhoon Emong and Dante. (Photo by Paluan Task Force Disiplina)

Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), mariing ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na agarang magsumite ng listahan ng lahat ng flood control projects sa iba’t ibang rehiyon sa bansa sa nakalipas na tatlong taon.

Nais ng Pangulo na matukoy ang mga proyektong nakumpleto, hindi natapos, gayundin ang mga ‘ghost projects’ o mga sinadyang hindi tapusin.

Kasunod ito ng naging malawakang epekto ng nagdaang bagyong Crising, Dante, Emong at Habagat sa bansa kamakailan na iniuugnay sa mga palpak na flood control projects.

“Wag na po tayong magkunwari, alam naman ng buong madla na nagkakaraket sa mga proyekto. Mga kickback, mga initiative, errata SOP, for the boys,” matapang na pahayag ng Pangulo.

“Kaya sa mga nakikipagsabwatan para kunin ang pondo ng ating bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga kababayan, mahiya naman kayo sa inyong mga kapwa Pilipino,” dagdag niya.

Sa oras na masuri ng Regional Project Monitoring Committee ang listahan mula sa DPWH, nangako si Pangulong Marcos Jr. na isasapubliko ito upang malaman din ng mamamayan ang katotohanan at ang mga indibidwal na nasa likod ng katiwalian.

Ipinag-utos din ng lider ang audit at performance review sa lahat ng flood control projects upang masigurong nagasta nang maayos ang pondo na inaprubahan ng pamahalaan.

“Sa mga susunod na buwan, makakasuhan ang lahat ng mga lalabas na may sala mula sa imbestigasyon pati na ang mga kasabwat na kontratista sa bansa,” pangako ni Pangulong Marcos Jr.

Upang hindi na maulit, sinabi ng Pangulo na hindi niya aaprubahan ang mga pondo na hindi nakaayon sa National Expenditure Program sa ilalim ng 2026 national budget.

“And further, I am willing to do this even if we end up with a reenacted budget,” ani Pangulong Marcos Jr. -VC

Related Articles